Thursday, April 21, 2011

Mga Mukha ng Buhay

Iba’t iba ang mukha ng buhay. Kung marunong kang magmasid sa paligid. Makikita mo mga mukha ng pag-asa, hinagpis at pangamba.
            Kadalasan makikita natin ang pagkakaiba-iba ayon na rin sa antas ng pamumuhay sa lipunan. May mga mayayaman na akala natin masasaya dahil nasa kanila na lahat; at mga mahihirap na akala natin ay pinakamababa nang nilalang sa mundo dahil sa natamong kapalaran.
            May mga kaibigan akong mayayaman. Lahat halos ng luho ay nasusunod, bagay na kinaiinggitan ko. Sinasabi nila masaya sila dahil kaya nilang bilhin lahat ng naisin ngunit makikitang iba ang sinasabi ng kanilang mata. Mas gusto nila ang makasama ang ibang tao kesa sa mga magulang nila, bagay na napag-isipan kong masuwerte pa rin ako na may inang nagmamahal.
            Ako na nabibilang sa mga kapus-palad ay mas kilala ko ang katayuan namin. Ilan na bang kakilala ko na naghihirap din ang kinakitaan ng pagsisisi sa buhay. Masaya sila at buo ang pagsasama. Kahit marami mang problema hindi pa rin nakakalimutan ang tumawa.
            Maraming mukha ang buhay. Mukha na kakikitaan ng lungkot sa kabila ng panlabas na anyo na masaya. Mukha na mayayaman sa pagmamahal ngunit salat sa material na bagay.
            Hindi lahat ng mayayaman sa materyal na bagay ay masaya. Hindi rin lahat ng naghihikahos sa buhay ay hindi marunong magsaya.

No comments:

Post a Comment